1 - Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Moab, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagka't kaniyang sinunog ang mga buto ng hari sa Edom na pinapaging apog.
2 - Nguni't ako'y magsusugo ng isang apoy sa Moab, at susupukin niyaon ang mga palacio ng Cherioth; at ang Moab ay mamamatay na may kaingay, may hiyawan, at may tunog ng pakakak.
3 - At aking ihihiwalay ang hukom sa gitna niyaon, at papatayin ko ang lahat na prinsipe niyaon na kasama niya, sabi ng Panginoon.
4 - Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Juda, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagka't kanilang itinakuwil ang kautusan ng Panginoon, at hindi iningatan ang kaniyang mga palatuntunan, at iniligaw sila ng kanilang mga pagbubulaan, ayon sa inilakad ng kanilang mga magulang.
5 - Nguni't magsusugo ako ng isang apoy sa Juda; at susupukin niyaon ang mga palacio ng Jerusalem.
6 - Ganito ang sabi ng Panginoon, Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Israel, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagka't kanilang ipinagbili ang matuwid dahil sa pilak, at ang mapagkailangan sa dalawang paang panyapak;
7 - Na iniimbot ang alabok sa lupa na nasa ulo ng dukha, at inililiko ang lakad ng maamo: at ang magama ay sumisiping sa isang dalaga, upang lapastanganin ang aking banal na pangalan:
8 - At sila'y nangahihiga sa tabi ng lahat na dambana, sa ibabaw ng mga kasuutang sangla; at sa bahay ng kanilang Dios ay nagsisiinom ng alak ng mga multa.
9 - Gayon ma'y nililipol ko ang Amorrheo sa harap nila, na ang taas ay gaya ng taas ng mga cedro, at siya'y malakas na gaya ng mga encina; gayon ma'y nilipol ko ang kaniyang bunga sa itaas, at ang kaniyang mga ugat sa ilalim.
10 - Iniahon ko rin kayo sa lupain ng Egipto, at pinatnubayan ko kayong apat na pung taon sa ilang, upang ariin ninyo ang lupain ng Amorrheo.
11 - At nagbangon ako sa inyong mga anak ng mga propeta, at sa inyong mga binata ng mga Nazareo. Di baga gayon, Oh kayong mga anak ng Israel? sabi ng Panginoon.
12 - Nguni't binigyan ninyo ang mga Nazareo ng alak na maiinom, at inutusan ninyo ang mga propeta, na sinasabi, Huwag kayong manganghuhula.
13 - Narito, aking huhutukin kayo sa inyong dako, na gaya ng isang karong nahuhutok na puno ng mga bigkis.
14 - At ang pagtakas ay mapapawi sa matulin; at ang malakas ay hindi makaaasa sa kaniyang kalakasan; ni ang makapangyarihan man ay makapagliligtas sa sarili;
15 - Ni makatitindig man siyang humahawak ng busog; at siyang matulin sa paa ay hindi makaliligtas; ni siya mang nakasakay sa kabayo ay makaliligtas:
16 - At siya na matapang sa mga makapangyarihan ay tatakas na hubad sa araw na yaon, sabi ng Panginoon.