1 - Ang nasaktan sa mga iklog, o ang may lihim na sangkap na putol ng katawan ay hindi makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.
2 - Isang anak sa ligaw ay huwag papasok sa kapisanan ng Panginoon; hanggang sa ikasangpung salin ng lahi ay walang sa kaniya'y makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.
3 - Huwag papasok ang isang Ammonita o Moabita sa kapulungan ng Panginoon; hanggang sa ikasangpung salin ng lahi ay walang nauukol sa kanila na makapapasok magpakailan man sa kapisanan ng Panginoon:
4 - Sapagka't hindi kayo sinalubong nila ng tinapay at ng tubig sa daan, nang kayo'y umalis sa Egipto; at sapagka't kanilang inupahan laban sa iyo si Balaam na anak ni Beor mula sa Pethor ng Mesopotamia upang sumpain ka.
5 - Gayon ma'y hindi dininig ng Panginoon mong Dios si Balaam; kundi pinapaging pagpapala ng Panginoon mong Dios, ang sumpa sa iyo; sapagka't iniibig ka ng Panginoon mong Dios.
6 - Huwag mong hahanapin ang kanilang kapayapaan o ang kanilang ikasusulong sa lahat ng iyong araw magpakailan man.
7 - Huwag mong kasusuklaman ang Idumeo; sapagka't siya'y iyong kapatid: huwag mong kasusuklaman ang taga Egipto; sapagka't ikaw ay nakipamayan sa kaniyang lupain.
8 - Ang mga anak ng ikatlong salin ng lahi nila na ipinanganak sa kanila ay makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.
9 - Pagka ikaw ay lalabas sa kampamento laban sa iyong mga kaaway, ay magbabawa ka nga sa iyo sa bawa't masamang bagay.
10 - Kung magkaroon sa iyo ng sinomang lalake, na hindi malinis dahil sa anomang nangyari sa kaniya ng kinagabihan, ay lalabas nga sa kampamento, hindi siya papasok sa kampamento:
11 - Nguni't mangyayari kinahapunan, na siya'y maliligo sa tubig: at pagka ang araw ay nakalubog na, ay papasok siya sa kampamento.
12 - Ikaw ay magkakaroon naman, ng isang pook sa labas ng kampamento, na iyong lalabasan:
13 - At ikaw ay magkakaroon din ng isang pala sa kasamahan ng iyong mga kasangkapan; at mangyayari, na pagka ikaw ay palilikod sa labas ay huhukay ka, at ikaw ay babalik at tatabunan mo ang ipinalikod mo:
14 - Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay lumalakad sa gitna ng iyong kampamento, upang iligtas ka, at ibigay ang iyong mga kaaway sa harap mo; kaya't ang iyong kampamento ay magiging banal: upang huwag siyang makakita ng anomang maruming bagay sa iyo, at baka humiwalay sa iyo.
15 - Huwag mong ibibigay sa kaniyang panginoon ang isang aliping nagtanan sa kaniyang panginoon na napasa iyo:
16 - Siya'y tatahang kasama mo, sa gitna mo, sa dakong kaniyang pipiliin sa loob ng isa sa iyong mga pintuang-daan na kaniyang magalingin: huwag mo siyang pipighatiin.
17 - Huwag kang magkakaroon ng masamang babae sa mga anak ng Israel, ni magkakaroon ng sodomita sa mga anak ng Israel.
18 - Huwag mong dadalhin ang bayad sa isang masamang babae, o ang kaupahan sa isang aso, sa bahay ng Panginoon mong Dios sa anomang panata: sapagka't ang mga ito ay kapuwa karumaldumal sa Panginoon mong Dios.
19 - Huwag kang magpapahiram na may tubo sa iyong kapatid; tubo ng salapi, tubo ng kakanin, tubo ng anomang bagay na ipinahihiram na may tubo:
20 - Sa isang taga ibang lupa ay makapagpapahiram ka na may tubo; nguni't sa iyong kapatid ay huwag kang magpapahiram na may tubo: upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng pagpapatungan mo ng iyong kamay, sa lupain na iyong pinapasok upang ariin.
21 - Pagka ikaw ay magpapanata ng isang panata sa Panginoon mong Dios, ay huwag kang magluluwat ng pagtupad: sapagka't walang pagsalang uusisain sa iyo ng Panginoon mong Dios; at magiging kasalanan sa iyo.
22 - Nguni't kung ikaw ay magbawang manata, ay hindi magiging kasalanan, sa iyo:
23 - Ang nabuka sa iyong mga labi ay iyong gaganapin at gagawin; ayon sa iyong ipinanata sa Panginoon mong Dios, na isang kusang handog, na ipinangako mo ng iyong bibig.
24 - Pagka ikaw ay pumasok sa ubasan ng iyong kapuwa, ay makakakain ka nga ng mga ubas sa iyong kagustuhan hanggang sa ikaw ay mabusog; nguni't huwag kang maglalagay sa iyong sisidlan.
25 - Pagka ikaw ay pumasok sa nangakatayong trigo ng iyong kapuwa, ay makikitil mo nga ng iyong kamay ang mga uhay; nguni't huwag mong gagalawin ng karit ang nakatayong trigo ng iyong kapuwa.