1 - At nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat na natatanaw sa mga iyon.
2 - At nang ikapitong araw ay nayari ng Dios ang kaniyang gawang ginawa; at nagpahinga ng ikapitong araw sa madlang gawa niyang ginawa.
3 - At binasbasan ng Dios ang ikapitong araw at kaniyang ipinangilin, sapagka't siyang ipinagpahinga ng Dios sa madlang gawang kaniyang nilikha at ginawa.
4 - Ito ang pinangyarihan ng langit at ng lupa, nang likhain noong araw, na gawin ng Panginoong Dios ang lupa't langit.
5 - At wala pa sa lupang kahoy sa parang, at wala pang anomang pananim na tumutubo sa parang: (sapagka't hindi pa pinauulanan ng Panginoong Dios ang lupa) at wala pang taong magbukid ng lupa,
6 - Nguni't may isang ulap na napaitaas buhat sa lupa at dinilig ang buong ibabaw ng lupa.
7 - At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.
8 - At naglagay ang Panginoong Dios ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silanganan: at inilagay niya roon ang taong kaniyang nilalang.
9 - At pinatubo ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat na punong kahoy na nakalulugod sa paningin, at mabubuting kanin; gayon din ang punong kahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punong kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.
10 - At may isang ilog na lumabas sa Eden na dumilig sa halamanan; at mula roo'y nabahagi at nagapat na sanga.
11 - Ang pangalan ng una ay Pison: na siyang lumiligid sa buong lupain ng Havilah, na doo'y may ginto;
12 - At ang ginto sa lupang yao'y mabuti; mayroon din naman doong bedelio at batong onix.
13 - At ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang lumiligid sa buong lupain ng Cush.
14 - At ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hiddecel, na siyang umaagos sa tapat ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
15 - At kinuha ng Panginoong Dios ang lalake at inilagay sa halamanan ng Eden, upang kaniyang alagaan at ingatan.
16 - At iniutos ng Panginoong Dios sa lalake, na sinabi, Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan:
17 - Datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.
18 - At sinabi ng Panginoong Dios, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya'y ilalalang ko ng isang katulong niya.
19 - At nilalang ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at pinagdadala sa lalake upang maalaman kung anong itatawag niya sa mga iyon: at ang bawa't itinawag ng lalake sa bawa't kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon.
20 - At pinanganlan ng lalake ang lahat ng mga hayop, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawa't ganid sa parang; datapuwa't sa lalake ay walang nasumpungang maging katulong niya.
21 - At hinulugan ng Panginoong Dios ng di kawasang himbing ang lalake, at siya'y natulog: at kinuha ang isa sa kaniyang mga tadyang at pinapaghilom ang laman sa dakong yaon:
22 - At ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalake ay ginawang isang babae, at ito'y dinala niya sa lalake.
23 - At sinabi ng lalake, Ito nga'y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya'y tatawaging Babae, sapagka't sa Lalake siya kinuha.
24 - Kaya't iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila'y magiging isang laman.
25 - At sila'y kapuwa hubad, ang lalake at ang kaniyang asawa, at sila'y hindi nagkakahiyaan.