1 - Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang magsasaka.
2 - Ang bawa't sanga na sa akin ay hindi nagbubunga, ay inaalis niya: at ang bawa't sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga.
3 - Kayo'y malilinis na sa pamamagitan ng salita na sa inyo'y aking sinalita.
4 - Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo'y manatili sa akin.
5 - Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako'y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka't kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.
6 - Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya'y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog.
7 - Kung kayo'y magsipanatili sa akin, at ang mga salita ko'y magsipanatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anomang inyong ibigin, at gagawin sa inyo.
8 - Sa ganito'y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magsipagbunga ng marami; at gayon kayo'y magiging aking mga alagad.
9 - Kung paanong inibig ako ng Ama, ay gayon din naman iniibig ko kayo: magsipanatili kayo sa aking pagibig.
10 - Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako'y nananatili sa kaniyang pagibig.
11 - Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang ang aking kagalakan ay mapasa inyo, at upang ang inyong kagalakan ay malubos.
12 - Ito ang aking utos, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo.
13 - Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan.
14 - Kayo'y aking mga kaibigan, kung gawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo.
15 - Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin; sapagka't hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon: nguni't tinatawag ko kayong mga kaibigan; sapagka't ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay mga ipinakilala ko sa inyo.
16 - Ako'y hindi ninyo hinirang, nguni't kayo'y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo'y magsiyaon at magsipagbunga, at upang manatili ang inyong bunga: upang ang anomang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maibigay niya sa inyo.
17 - Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, upang kayo'y mangagibigan sa isa't isa.
18 - Kung kayo'y kinapopootan ng sanglibutan, ay inyong talastas na ako muna ang kinapootan bago kayo.
19 - Kung kayo'y taga sanglibutan, ay iibigin ng sanglibutan ang kaniyang sarili: nguni't sapagka't kayo'y hindi taga sanglibutan, kundi kayo'y hinirang ko sa sanglibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanglibutan.
20 - Alalahanin ninyo ang salitang sa inyo'y aking sinabi, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang panginoon. Kung ako'y kanilang pinagusig, kayo man ay kanilang paguusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din.
21 - Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagka't hindi nila nakikilala ang sa akin ay nagsugo.
22 - Kung hindi sana ako naparito at nagsalita sa kanila, ay hindi sila magkakaroon ng kasalanan: datapuwa't ngayo'y wala na silang madadahilan sa kanilang kasalanan.
23 - Ang napopoot sa akin ay napopoot din naman sa aking Ama.
24 - Kung ako sana'y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinomang iba, ay hindi sana sila nangagkaroon ng kasalanan: datapuwa't ngayon ay kanilang nangakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama.
25 - Nguni't nangyari ito, upang matupad ang salitang nasusulat sa kanilang kautusan, Ako'y kinapootan nila na walang kadahilanan.
26 - Datapuwa't pagparito ng Mangaaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan, na nagbubuhat sa Ama, ay siyang magpapatotoo sa akin:
27 - At kayo naman ay magpapatotoo, sapagka't kayo'y nangakasama ko buhat pa nang una.