1 - At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 - Salitain mo sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Kayo'y magpakabanal; sapagka't akong Panginoon ninyong Dios ay banal.
3 - Matatakot ang bawa't isa sa inyo, sa kaniyang ina at sa kaniyang ama, at ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath: ako ang Panginoon ninyong Dios.
4 - Huwag ninyong babalikan ang mga diosdiosan, ni huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga dios na binubo: ako ang Panginoon ninyong Dios.
5 - At pagka kayo'y maghahandog sa Panginoon ng hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay inyong ihahandog upang kayo'y tanggapin.
6 - Sa araw ding ihandog ay kakanin, at sa kinabukasan: at kung may labis hanggang sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.
7 - At kung kanin sa anomang paraan sa ikatlong araw, ay karumaldumal nga; ito'y hindi tatanggapin:
8 - Kundi yaong kumain ay siyang magtataglay ng kaniyang kasamaan; sapagka't nilapastangan niya ang banal na bagay ng Panginoon: at ihihiwalay ang gayong tao sa kaniyang bayan.
9 - At pagka gagapas kayo ng mga uhay sa inyong lupain, ay huwag ninyong pakakagapasin ang mga sulok ng inyong bukid, ni huwag ninyong pamulutan ang inyong lupang ginapasan.
10 - At huwag ninyong sisimutin ang inyong ubasan, ni huwag ninyong pupulutin ang bungang nahulog sa inyong ubasan; sa dukha at sa taga ibang bayan, pababayaan ninyo: ako ang Panginoon ninyong Dios.
11 - Huwag kayong magnanakaw; ni magdadaya, ni magsisinungaling ang sinoman sa iba.
12 - At huwag kayong susumpa ng di totoo sa aking pangalan, na anopa't lapastanganin ninyo ang pangalan ng inyong Dios; ako ang Panginoon.
13 - Huwag kayong pipighati sa inyong kapuwa, o magnanakaw man sa kaniya: ang bayad ng isang mag-aaraw ay huwag matitira sa inyo ng buong gabi hanggang sa umaga.
14 - Huwag ninyong lalaitin ang bingi, ni maglalagay ng katitisuran sa harap ng bulag, kundi katatakutan ninyo ang inyong Dios: ako ang Panginoon.
15 - Huwag kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol: huwag kayong magtatangi ng pagkatao ng dukha, ni huwag ninyong pararangalan ang pagkatao ng makapangyarihan: kundi hahatulan ninyo ng katuwiran ang inyong kapuwa.
16 - Huwag kayong maghahatid dumapit sa inyong bayan, ni titindig laban sa dugo ng inyong kapuwa: ako ang Panginoon.
17 - Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapatid sa inyong puso; tunay na inyong sasawayin ang inyong kapuwa, at huwag kayong magtaglay ng kasalanan dahil sa kaniya.
18 - Huwag kayong manghihiganti o magtatanim laban sa mga anak ng inyong bayan, kungdi iibigin ninyo ang inyong kapuwa na gaya ng sa inyong sarili: ako ang Panginoon.
19 - Iingatan ninyo ang aking mga palatuntunan. Huwag ninyong pagaasawahin ang dalawang hayop ninyong magkaiba; huwag kayong maghahasik sa inyong bukid ng dalawang magkaibang binhi; ni damit na hinabi na may magkahalong dalawang magkaibang kayo ay huwag kayong magsusuot.
20 - At kung ang sinomang lalake ay sumiping sa isang babaing aliping may asawa, na hindi pa natutubos, o hindi pa man nabibigyan ng kalayaan; ay kapuwa parurusahan; hindi sila papatayin, sapagka't siya'y hindi laya.
21 - At kaniyang dadalhin sa Panginoon ang kaniyang handog dahil sa pagkakasala, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa makatuwid baga'y isang tupang lalake na pinakahandog dahil sa pagkakasala:
22 - At itutubos sa kaniya ng saserdote sa pamamagitan ng tupang handog dahil sa pagkakasala sa harap ng Panginoon, dahil sa kaniyang kasalanan niyang pinagkasalahan: at ipatatawad sa kaniya ang kasalanan niyang kaniyang pinagkasalahan.
23 - At pagka kayo'y papasok sa lupain, at nakapagtanim na kayo ng sarisaring punong kahoy na pagkain, ay aariin ninyo ang bunga niyaon na parang hindi sa tuli: tatlong taong aariin ninyong parang hindi sa tuli; hindi kakanin.
24 - Datapuwa't sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga niyaon ay magiging banal na pinaka papuri sa Panginoon.
25 - At sa ikalimang taon ay kakain kayo ng bunga niyaon upang papagbungahin sa inyo: ako ang Panginoon ninyong Dios.
26 - Huwag kayong kakain ng anomang may dugo: ni huwag kayong mag-eenkanto ni magpapamahiin.
27 - Huwag ninyong gugupitin ng pabilog ang mga buhok sa palibot ng inyong ulo, ni huwag mong sisirain ang mga dulo ng iyong balbas.
28 - Huwag ninyong kukudlitan ang inyong laman dahil sa namatay: ni huwag ninyong lilimbagan ang inyong laman ng anomang tanda; ako ang Panginoon.
29 - Huwag mong hahamakin ang iyong anak na babae, na siya'y iyong pagmamasamaing babae: baka ang lupain ay malugmok sa pakikiapid, at mapuno ang lupain ng kasamaan.
30 - Ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath, at igagalang ninyo ang aking santuario: ako ang Panginoon.
31 - Huwag ninyong babalikan ang mga inaalihan ng masasamang espiritu ni ang mga mangkukulam: huwag ninyong hanapin na magpakahawa sa kanila: ako ang Panginoon ninyong Dios.
32 - Titindig kayo sa harap ng may uban at igagalang ninyo ang mukha ng matanda, at katatakutan ninyo ang inyong Dios: ako ang Panginoon.
33 - At kung ang isang taga ibang bayan ay nakikipamayan na kasama ninyo sa inyong lupain, ay huwag ninyong gagawan ng masama.
34 - Ang taga ibang bayan na nakikipamayan na kasama ninyo, ay inyong aariing tubo sa lupain, at iibigin ninyo na gaya ng sa inyong sarili; sapagka't naging taga ibang bayan kayo sa lupain ng Egipto: ako ang Panginoon ninyong Dios.
35 - Huwag kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol, sa pagsukat, sa pagtimbang, o sa pagtakal.
36 - Timbangang matuwid, panimbang na matuwid, epa na matuwid at hin na matuwid ang aariin ninyo: ako ang Panginoon ninyong Dios na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
37 - At inyong iingatan ang lahat ng aking palatuntunan, at ang lahat ng aking kahatulan, at inyong isasagawa: ako ang Panginoon.